Chapter 5
Chapter 5
“ANG HIRAP sa ibang tao, parang kailangan mo na munang manghingi ng permiso bago mo sila
mahalin. Sila na nga ‘yong minamahal, sila pa ang nagagalit na parang utang na loob pa natin sa
kanilang mahal natin sila. ‘Di ba nila nare-realized na ‘di natin ‘to ginusto? Wala lang tayong choice.”
Dere-deretsong wika ni Holly sa pinsang si Jazeel.
“If they can’t love us back, why can’t they just thank us? After all, it was hard loving them but we did. It
was hard loving Aleron but I did. Ang hirap-hirap niya kayang ispelengin!” Bahagya pang hiningal si
Holly nang matapos sa pagsasalita.
Nagpaikot-ikot siya sa loob ng flower shop ni Jazeel. Doon siya dumeretso matapos siyang iwanan na
lang bigla ni Aleron nang lakas-loob niyang aminin rito ang nararamdaman niya. Mariing kinagat niya
ang ibabang labi para pigilan ang mapahikbi. Daig niya pa ang sinampal sa naging reaksyon ni Aleron.
Kay Jazeel dumeretso si Holly dahil bukod sa pinsan niya ito ay ito rin ang nagsisilbing pinakamatalik
na kaibigan niya. Magkapatid ang kanilang mga ama. Kasundo niya naman ang lahat ng mga pinsan
niya pero kay Jazeel siya pinakamalapit, siguro ay dahil na rin sa hindi nagkakalayong mga edad nila.
Bukod pa roon ay madali ring pakibagayan si Jazeel. Madalas man itong tahimik ay parati naman itong
handang making sa anumang problemang inilalahad rito tulad na lang ng ginagawa ni Holly nang mga
oras na iyon.
Nang mapagod sa kaiikot ay naupo si Holly sa tapat ni Jazeel na kasalukuyang abala sa pag-aayos ng
mga bulaklak. Dalawang uri ang mga iyon. Ang iba ay natitiyak niyang red carnation habang
pinaghalong puti at pink naman ang ilan. Nilagyan iyon ni Jazeel ng pula ring laso at ibinalot.
Mayamaya ay nasorpresa siya nang ibigay sa kanya ng pinsan ang mga iyon.
“Red carnation are for love and aching heart while the other flowers are rosa canina or dog rose for
pleasure and pain.”
Napailing man ay tinanggap pa rin ni Holly ang mga bulaklak. Sa haba ng sinabi niya ay ang mga iyon
lang ang mga lumabas sa bibig ni Jazeel. Muli siyang napailing nang mapansin ang maliit na signage
sa isang bahagi ng flower shop na nakasabit malapit sa kinauupuan niya. ‘Keep calm and give flowers’
ang mga nakalagay roon. Mukhang kina-career ng pinsan ang mga salitang iyon dahil ngayon nga ay
binigyan pa siya nito mismo ng mga bulaklak na magiging tagapagpaalala lang ng estado ng puso niya
lalo at binanggit pa talaga nito ang kahulugan ng mga bulaklak na iyon.
“There are times when I really like you, Jaz. But there also times when I would have to think about it…
just like today.”
Marahang natawa si Jazeel habang sinamyo naman ni Holly ang mga bulaklak. Pero nang muling
maalala ang kasalukuyang sitwasyon ay napahugot siya ng malalim na hininga. Ni hindi niya man lang
naranasan ang makatanggap ng mga bulaklak mula kay Aleron.
Kung ganoong lumalabas na parang wala naman palang nararamdaman para sa kanya ang binata ay
anong tawag sa ilang linggong pinagsaluhan nila? Isang laro? Umasa na naman kasi siya. At gaya ng
dati… ay nasaktan na naman siya.
“What’s wrong with me, Jaz?” Nag-iinit ang mga matang tanong ni Holly mayamaya.
Inabot ni Jazeel ang isang palad niya. “Nothing, Holly.” Masuyong wika nito. “Nothing.”
“Kung gano’n, bakit parati na lang walang sumasalo sa akin sa tuwing nahuhulog ako?”
Matipid na ngumiti si Jazeel. “Siguro kasi minsan, kailangan nating mahulog ng ilang beses hindi para
masaktan tayo kundi para sa susunod, matibay na ‘yong mga loob natin. Alam na natin kung paano
tatayo at babangon kahit na walang tumutulong o sumasalo sa atin.”
Mapait na natawa si Holly. “Ang hirap pala talagang magmahal, ‘no?” Bumuntong-hininga si Jazeel.
Napatingin ito sa kawalan na para bang nahulog rin sa malalim na pag-iisip. Alam niyang gaya niya ay
may pinagdaraanan rin ito sa buhay pag-ibig nito.
Muli na lang ibinalik ni Holly ang mga mata sa mga bulaklak. Sana gaya na lang ng mga iyon ang
pagmamahal. Iyong tipong hindi nagtatagal, na pagkalipas ng ilang araw ay nalalanta rin. Pero malas
niya, dahil walang ganoon sa totoong buhay.
“BUMABA ka dyan, Aleron! Harapin mo ako! Tandaan mo, ako pa rin ang nagluwal sa ’yo! Pero ganid
ka. Wala kang kwentang anak. Napakadamot mo. Kung alam ko lang na ganyan ang gagawin mo sa
akin ngayon, sana pala ay hindi na kita binuhay noon. Ako ang nagpakahirap na makuha ang ama mo
pero ikaw lang ang solong nagpapakasasa sa yamang iniwan niya. Ingrato!”
Pinagmasdan ni Aleron ang ina na patuloy pa rin sa pagkalampag sa salamin ng kanyang kotse na
pansamantalang inihinto niya. Nasa gate sila ng village ng mga sandaling iyon at nakakaagaw na sila
ng atensyon mula sa mga gwardya hanggang sa mga taong nagdaraan. Pero sa kauna-unahang
pagkakataon ay wala na siyang pakialam sa bagay na iyon.
Dahil sa ilang ulit na pagwawala ni Lucia sa tapat ng kanyang mansyon ay banned na ito ngayon sa
loob ng village. Lumayo si Aleron kay Holly para makapag-isip kahit na saglit kaya naisipan niyang
bumalik na muna sa orihinal niyang tirahan pero panibagong komplikasyon naman ang naabutan
niyang naghihintay sa kanya.
Gumuhit ang mapait na ngiti sa mga labi ni Aleron. Nang hindi na mapigilan ang sarili ay natawa na
siya, palakas iyon ng palakas. Mayamaya ay namalayan niya na lang ang pagpatak ng kanyang luha.
Pagod na pagod na siya. Sinong may sabi na wala nang problema ang mga taong may pera? Pera
lang ang mayroon sa kanya. Bukod roon ay wala na. Hindi siya masaya.
Ilang beses niyang hiniling noon na sana ay normal na lang ang buhay niya. Dahil ang pera, ang
yaman, napagtatrabahuhan, napagsisikapan. Pero ang normal na buhay, hindi. Dahil may favoritism
ang mundo. Pinipili lang nito ang mga masusuwerteng taong nakararanas niyon. Sana ay pwede
niyang talikuran ang lahat at makipagpalit ng buhay sa iba kahit isang araw lang. Dahil ang puso niya,
lunod na lunod na sa pinaghalong sakit at pait.
Ang tinutuluyan ngayon ni Aleron ay iyon pang mansyon na ipinagawa ng kanyang ama noon para sa
kanila. Noong nabubuhay pa ito at nagagawa nilang magkita kahit paano ay palagi nitong inihahabilin
na anuman daw ang mangyari ay ingatan nila ni Athan ang mansyon at huwag na huwag hahayaan si
Lucia na muli pang makatapak roon.
Simula nang matuklasan ng kanyang ama ang mga ginagawa ni Lucia sa tuwing nasa trabaho ito ay
lalo pa itong nagpakalunod sa pagtatrabaho, parati itong nag o-over time. May mga pagkakataong sa
opisina na ito natutulog at ilang araw pa bago nakakauwi. Kapag nasa mansyon naman ay agad itong
dumederetso sa library at nagkukulong roon. Ipinabago nito ang disenyo ng buong bahay pati na ang
mga kwarto lalo na ang master bedroom. Pinabago rin nito ang mga gamit roon pero parang hindi pa
rin kinaya ng ama na tumapak muli sa kwartong iyon. Sa huli ay ipinalipat pa rin nito sa guest room ang
mga damit nito.
Sina Aleron at Athan naman ay hindi na nagawang makatulog sa kani-kanilang mga kwarto. Sa sala
natutulog noon si Athan habang sa balkonahe naman si Aleron. Dahil ilang ulit ring ginamit at
ginawang secret place ni Lucia at ng mga lalaki nito ang mga kwarto nila ng kapatid niya. Doon nito
itinatago ang mga lalaki nito lalo na kapag napapaaga ng uwi ang kanyang ama.
Hanggang ngayon ay sa balkonahe pa rin ng mansyon natutulog si Aleron. Naglalatag siya roon. Kahit
na anong pagre-redecorate pa roon ay hindi na mababago ang mga pangit na alaalang mayroon ang
bawat sulok ng mansyon. Natatandaan niyang paulit-ulit na nagsuhestiyon noon si Athan na lumipat na
lang sila pero hindi pumayag ang ama. Sa dulo ay hindi rin nakatiis ang bunsong kapatid. Nang mag-
edad ito ng dalawampu ay bumukod na ito ng tirahan habang si Aleron ay nanatili sa mansyon.
Noong una ay gusto niya lang samahan sa mansyon ang ama pero nang sumakabilang-buhay na ito
ay hindi niya rin naman nagawang ipagbili ang mansyon samantalang kayang-kaya niya naman kung
tutuusin na bumili ng bago. Iyong bahay na walang bahid ng kasalanan ni Lucia, walang dungis. Pero
hindi magawa ni Aleron. Dahil sentimental rin siya na tulad ng ama.
Sa kabila ng pangit na alaalang mayroon ang lugar na iyon ay hindi pa rin maiaalis ang katotohanang
mayroon pa ring matatawag na magagandang mga alaala roon. Doon parehong ipinanganak sina
Aleron at Athan. Iyon na lang ang nag-iisang lugar sa mundo na marami silang alaala ni Athan na
ginawa ng magkasama.
Ang mansyon rin na iyon ang simbolo ng pagiging loyal ng ama sa kanila. Dahil sa huli, gaano man
kaabala ang kanilang ama ay uuwi at uuwi pa rin ito roon. Because they had always been their father’s
home. Maayos na sana ang lahat kung hindi lang sinira iyon ni Lucia. Napakaraming alaala roon, hindi
man lahat maganda ay alaala pa rin na ayaw bitawan ni Aleron lalo na ngayong nag-iisa na lang siya
sa buhay.
Life, give me a break, damn it. Naisaloob ni Aleron nang lalo pang lakasan ng ina ang paghampas sa
salamin ng kotse. Pwede niya naman sanang paandarin na lang iyon at walang magagawa si Lucia
pero umaasa siyang baka sa pagkakataong iyon ay iba ang mga salitang maririnig mula sa ina, mga
salita na maaring maging indikasyon na hindi pa tuluyang nag-iisa si Aleron, na may natitira pa sa
kanya. Pero ganoon pa rin ang lumabas sa bibig ng ina.
Dapat ay sanay na si Aleron. Pero masakit pa rin pala. Ilang taon na ang lumipas pero wala pa ring
ipinagbago si Lucia. Ganoon pa rin ito kung manamit. Nakasuot ito ng pulang bestida na hapit na hapit
sa balingkinitan pa ring katawan nito. Nakahantad ang malaking bahagi ng dibdib nito at hanggang sa
kalahati lang ng mga hita nito umabot ang damit nito. Puno pa rin ng kolorete ang payat nang mukha
nito at ang mga labi nito ay para bang mas mapula pa kaysa sa damit nito.
Pinaimbestigahan ni Aleron ang ina noong magsimula itong bumalik-balik sa mansyon matapos nitong
malaman na namatay na ang kanyang ama. Natuklasan niyang bumalik ito sa pagtatrabaho sa isang
bar. Iba’t iba na naman ang mga lalaking sinasamahan nito. Mukhang iniwan na ito ng karelasyon
nitong gwardya noong wala na itong pera.
Dinukot ni Aleron ang cell phone sa bulsa ng pantalon at tinawagan ang kanyang sekretarya.
Nagpahanda siya rito ng malaking pera na sasapat na para mamuhay ng masagana si Lucia hanggang
sa mga susunod na taon. Iyon ang magiging una at huli niyang pagbibigay sa ina. Binuksan niya ang noveldrama
tinted na bintana ng kotse. Sa laki ng sugat na nilikha ni Lucia sa puso niya ay ni hindi niya makuhang
lumabas pa para harapin ito.
Agad na dumungaw ang ina sa bintana. Sunod-sunod na pinaulanan siya nito ng malulutong na mura.
Isinandal ni Aleron ang ulo sa headrest ng upuan pagkatapos ay pumikit. Kailangan niyang marinig ang
mga bagay na iyon kahit sa huling pagkakataon para ipaalala sa para bang nakakalimot nang isip at
puso niya na isang malaking pagkakamali kung muli pa siyang magtitiwala sa iba.
“Bastos ka talagang bata ka! Ni hindi mo magawang bumaba para pakiharapan ng maayos ang sarili
mong ina? Dapat talaga ay hindi na kita binuhay pa noon-“
“Shit, Lucia. Sana nga ay hindi mo na lang ako binuhay.” Napadilat si Aleron. Humarap siya sa ina. “Sa
akala mo ba ay masaya ako na buhay ako ngayon? Hindi, Lucia. Hindi! Every single day, I blame you
for this life!” Tumaas-baba ang dibdib niya sa paghagupit ng mga emosyon.
Natigilan si Lucia. Bahagya itong lumayo sa bintana ng sasakyan.
“I never wanted this life. I never wanted to be alive. Pagkatapos ng lahat ng mga ipinaranas mo sa
akin, ng mga pinagdaanan ko, sino bang gugustuhing mabuhay pa? Wala akong binabastos na ina
dahil wala akong ina! Don’t you ever call yourself a mother because you have never been like that to
me and Athan! ‘Wag mong dungisan pati ang tunay na kahulugan ng salitang ina, Lucia.”
Buong buhay ni Aleron ay nakatago lang sa dibdib niya ang lahat. Ngayong pagod na pagod na siya ay
parang bulkang sumabog iyon. “You could have just said that you are willing to start again with me.
Now that even Athan is dead, you could have shown a little compassion or a little remorse. Just a little,
Lucia. Kahit gaano kaliit pa ‘yon, tatanggapin ko. I was willing to start again with you because despite
everything that you’ve done, you’re all I have.” Aleron’s voice broke together with his heart. “But you
always tend to ruin things. Shit. Bakit ba ako umasa-asa pang magbabago ka pa?
Bumalik ka na sa inyo.” Napahugot si Aleron ng malalim na hininga. “Pupuntahan ka ng assistant ko sa
tinutuluyan mo. Ibibigay niya ang gusto mo. Pero utang na loob, kung talagang kahit minsan, itinuring
mo akong anak, ‘wag na ‘wag ka nang magpapakita pa. Tama na, Lucia. Tama na.”
Dumulas ang mga kamay ni Lucia pababa sa bintana ng kotse. Gulat pa ring napaatras ito. Isinara na
ni Aleron ang bintana. Nagmaneho na siya papasok sa village. Pero nang makarating na sa gate ng
mansyon ay natigilan siya. Parang bigla ay nabahag ang buntot niyang pumasok. Ano bang gagawin
niya sa loob? Ano bang aabutan niya roon? What now, Aleron?